"Today, I get my diploma," wika ko sa sarili ko pagka-gising na pagka-gising. Mahigit apat na taon nang nakalipas nung umakyat ako ng entablado, suot ang itim na kumot at matigas na sumbrero ng pagtatapos. Nag-trabaho ako, umibayong dagat, nagmahal, sumaya, naghiwalay, nalungkot, tumaba, pumayat, kumita, nagpakaluho, nangutang, nagbayad at nabuhay habang naghahanap-buhay. Ang daming rason kung bakit ko ipinagpaliban ang natatanging patunay ng aking pag-aaral, pag-sasakripisyo, at pagsisikap. Pero sa araw na ito, wala nang dahi-dahilan.
Alas-singko iyon, sa isang maulap na umaga ng Biyernes. Gumising ako nang maaga para abutan ang kanilang tanggapan sa UP Manila ng alas-otso. Apat na lagda na lamang ang nalalabi bago ko makuha ang aking diploma sa Office of the University Registrar. Ah, tapos na siguro ako nang alas-diyes ng umaga, makakapasok pa ako.
Alas-tres na ng hapon nung nahawakan ko ang aking diploma. Kinuhanan ko pa ng litrato at ipinaskil sa Facebook. "Kelan kaya ako makakakuha nyan?" huni ng isang babaeng estudyante sa likuran ko.
- - -
Upang makuha ko ang diplomang ito, ako muna ay umakyat ng tatlong palapag sa NEDA para sa lagda ng Office of Student Affairs.
Pagkatapos ay tumungo akong CAS upang hanapin ang lagda ng College Secretary. Wala pa daw sabi ng mataray na alalay, naka-blusang itim siya katerno ng kanyang kaluluwa. Umupo ako sa malapit na bangko at naghintay habang nanonood na muna ng mga estudyante. Ang ba-bata nila. Mga wala pang muwang sa kanilang katayuan, sa kanilang kakayahan. Ang su-suwerte.
Isang oras ang nakalipas at alas-diyes na, pero wala pa rin. Mukhang hindi na ako aabot sa opisina. Tumawag ako nang daglian sa amin at nagpaalam ng "half-day". Ayos. Kakain na muna ako ng tanghalian kasama si Ralph diyan sa may DFA. Malapit lang naman.
Ay anlayo, sa SM MOA kami nagawi. Kumain kami sa kainang Thai, Jatujak, at inilibre niya ako doon ng curry na manok at pansit na malapad na kung tawagin ay Pad Thai. Alas-dos na ako nakabalik, siguro naman nandyan na ang hinihintay ko.
Tumambad si maitim na alalay at inabot sa akin ang aking "clearance form" kasama ang lagda ng sekretarya ng kolehiyo. Maraming, maraming salamat. Dalawang lagda na lamang.
Takbo akong NEDA muli, pangatlong palapag, isa-(pa)ng lagda sa Office of Student Affairs at isa pa sa Learning Resource Center(LRC). Ewan ko ba kung bakit kasama pa ang LRC, hindi naman ako nakinabang doon.
May nadaanan akong pulubi. Tumigil ako, tumalikod, bumalik, at nag-iwan ng anim na piso. Sa aking sarili, nagdasal ako ng taimtim, "Ayan, Lord, mabait naman ako. Tulungan mo din ako, ah? Please."
Hayan na, ang Office of the University Registrar. Ang tagapagtago ng aking diploma. Ang guwardiya ng aking kayamanan. "Akin na yan," mahina kong ibinulong habang nakapila sa Window 1.
Inalalayan ako ng naka-berdeng jacket na babae. Pumasok siya sa likod at doon ay nagtagal. Ang tagal. Ako ay bahagyang kinabahan.
"Meron ka pang kulang, lab fees. 800 lang naman," sabi ng pahinante pagkabalik.
"Ha? Lab fees? Pwede ko na ba bayaran ngayon na?" sagot ko.
"Diyan lang sa tabi, sa may kahera."
Pila ako, at sabay silip sa kalupi. Ay nako, pitong-daan na lang ang aking salapi. Tumakbo ako sa ATM at naglabas ng pera. Buti na lang husto ang aking kinuha dahil walang sinusukli ang kahera. Nagbayad ako at kumaripas pabalik sa babaeng naka-berdeng jacket. Nakangiti at magaan ang aking puso (at ang aking pitaka), inabot ko ang aking "clearance form", kumpleto ang mga lagda, may resibo pa.
- - -
Ang haba nang nangyari. Pakiramdam ko hindi matutuwa ang estudyanteng ito kung inilahad ko lahat sa kanya.
Lumingon na lamang ako sa kanya. "Apat na taon ko itong hinintay."
Napatingin ako muli sa aking diploma, "Di bale, darating din yan."
Basta huwag ka lang susuko bulong ng puso ko.