Tuesday, June 19, 2012

kung Wari


Maari ba kitang mahalin nang pakunwari? Sadyang buksan ang dibdib, sadyang abutin ang nakaratay na puso, at buo itong hugutin at ibato sayong nakatalikod na anino? Buong malay kong ihahandog ang hubog ng aking kalooban, matinik, nakatayo nang alanganin, ngunit puro. Kabisado ko na ang masaktan, at ang maiwan sa arawan pati na rin ng ulan. Hindi ako umaasa, ako lamang ay sumusubok.

Susubukan ko lang naman matuklasan ka. Bibihisan ko ng pulang esposesa't ng bagong pitas na bulaklak ang iyong bawat salita, at kakabisaduhin ang unti-unting pag-ukit ng ngiti sa iyong mga labi. Ang marahan na pag-baling ng kabilugan ng iyong mga mata sa akin ay parang pagtawid ng buwan at ng araw sa langit, at gaya rin nila'y nagdudulot ng liwanag sa aking mga araw.

Sa mga araw na mainam kong aabutin ang layo at tarik mo, mag-iiwan ako ng mga mensahe sa mailap na hininga ng hangin. Hanapin mo ang lihim at lalim ng aking damdamin sa paghulog ng mga dahon, sa prosesyon ng mga nakapintang ulap sa langit. Sa nagkataon na pagkakataon, sa daplis ng daliri, sa nagkasabay na yapak, tunay ang maari.

At kung ano man ang iyong sagot, maaaring hindi ko na ito kailangan. Pinapadaloy ko na lamang ang dugo mula sa aking naka-bukang dibdib, sa naglaglagan na mga ugat, sa puso kong bahagya pa ring tumitibok. Na ikaw ang nakakapagpatibok, ako lamang ay nadamay.

OST: Cynthia Alexander - Dumaan Ako

No comments:

Post a Comment