Thursday, March 15, 2012

maagap

Mainam din malimutan ang langit. Pabayaan muna natin ang mga ulap at bitwin makipag-habulan. Dito na muna tayo, mata'y malumanay, nagsisikap at nagiimbak ng tagumpay sa mundong ibabaw.

Mainam din sigurong malimutan ang mangarap. Magtanggal ng relo at hayaan makatakas mula sa palad ang mga sandali. Lumatay muna sa lupa, nang buong batok, bisig at binti, at punahin ang walang-hangang patintero ng kalangitan.

Mainam din kayang ilimot ang pag-ibig. Ipagpahinga ang pusong abala, at matutuong magmahal imbis na makipagsapalaran. Maaari din sigurong tumibok ang puso sa marahan na tugtugin, sa payak na ligaya.

Lahat ng naantala ay pansamantala. Sa bingit ng pagkalimot, likas na sigurong mapalingon sa naraanan at tumingala sa langit, dala ng pusong maligalig; matingkad, malinaw, at tumitibok-tibok.

No comments:

Post a Comment