Joy joy joy joy! Parang ang dali lang maging masaya noon. Ang yabang yabang ko pa, meron pa akong nalalaman na "Happines is a choice." Pero ngayong nagta-trabaho na ako ng 3 taon, nakalimutan ko na kung panong maging maligaya ng basta-basta. Hindi na kagaya noon na gigising lang ako sa umaga at ang maiisip ko ay "Ang sarap-sarap mabuhay." Ngayon, sa pag-gising ko, bubuka ang aking mga mata, titingnan ang dilim ng aking kwarto, papakiramdaman ang init ng mundong ibabaw, at pipikit muli.
Ganun ba talaga yun kapag tumamatanda? Siguro. Naisip ko din dahil meron na akong trabaho at salapi, mas matindi na ako mag-ambisyon ngayon. Umaasa na akong magka-kotse na pula, magtayo ng bahay sa may SLEX, makabili ng condominium sa Makati. Noon, mabili ko lang yung napaka-gandang pantalon, makakain lang ako ng sapat, makanood ng magandang sine, sulit na ang buhay ko. Pero dahil 25 na ako, kelangan nang maglevel-up ang naipupundar. Sa edad kong ito, dapat yung mga pangarap ko nang pagkabata tinutupad ko na.
At ano nga ba yung mga pangarap ko ng pagkabata? Madami. Ang dali talaga mangarap, at ang dali maging masaya dahil alam mo lang na yung mga pangarap mo matutupad din balang araw. Puwes, dumating na ang araw na iyon. At sa pag-sikat niya, ang mga pangarap ay pangarap pa rin.
Hindi naman ito kasalanan. Mahaba pa ang buhay, bata pa naman ako, sariwa pa naman siguro. Pero nakaka-pressure na. Kelangan na ng direksyon, ng patutunguhan. Hindi na pwede yung basta-bastang pag-gawa ng mga araw-araw na responsibilidad. Kelangan nang mag-isip ng "long-term", mag-isip ng seryoso.
Nakakatawa, pero yung mga laos na tanong noong highschool guidance class, yung mga "Where do you see yourself 5, 10, 20 years from now?", tinatanong ko na uli sa sarili ko. At mas lalo pa, inaalala ko kung ano yung mga sagot ko noon. Sabi ko, kapag 25 na ako, dapat lawyer na akong pasado sa bar, kumikita ng 50k at ang kalahati nun ay iniipon para makapag-milyon pagdating ng 30. At dapat nabili ko na yung buong Harry Potter na series, dapat hard-bound.
Yung Harry Potter ayos na, pero yung lawyer ay matagal ko nang ipinagpaliban. Sa suweldo, malapit na din; pero ang ipon, huwag na natin itanong. So medyo ok pa ako, medyo "on-track" kung ganun ang usapan. Pero kahit dito pa lang, kahit wala pa sa totoong ginugusto ko, ang hirap na pala makarating dito. Masaklap pa, kahit nakarating nga ako, parang kulang na kulang pa din.
Ramdam ko na ang ikli ng buhay at ang pagod na kasabay ng pagtahak ng mga landas nito. Ang dali noon ituro at pagnasahan ang mga destinasyong nakakalat at nangaakit. Sa aking pagtanda, hindi na lamang ang malayong kislap ng patutunguhan ang nakikita ko, kita ko na din ang mabato at masukal na daan patungo. Kung iisa lang ang pwede kung marating, kung isa lang ang maaari kong makamit sa buhay ko, ano yun? Nasaan yun? May panahon pa ba?
*photo credit from Palipasan which, in a sudden spate of irony, is a post about never giving up on hope.