Nakasanayan na sa amin ang kumain nang magkakasama. Pagkapatay ni manong guard ng ilaw sa hapon, tatayo, uunat ng konti, at magtatanong kung sa opisina kakain o sa labas. Relax lang. Hindi palaisipan. Ganoon madalas sa amin. Ang biglaan ang natutuloy; ang hirit, nagkakatotoo. Kaya din siguro masaya ang lunchbreak namin sa NEC. Lahat napag-uusapan. Lahat posible. Lasingang Friday sa Thursday? Sige lang! Isang bulubundukin ng french fries? Order-in na natin! Kasalan sa Davao? Tara!
Sanay na din ako sa ganun. Madali um-oo sa mga bagay na malayo pa.
Ayaw ko pala, naisip ko, noong gabing nagiimpake na ko. Sa huling gabing maaari pang tumanggi sa 4 na araw sa dulo ng Pilipinas, wala pang disenteng tulog, at may baon pang trabaho, nagimpake ako at nagtaka kung bakit ako nag-laan ng pera, nag-paalam ng leave, at nangarap ng makatakas sa buhay Maynila pansamantala. Siguro dahil um-oo ako at kelangan panindigan--at syempre, sayang ang ticket.
4 na araw din yun. Nag-whitewater-rafting, nag-lasing, nagtiwala sa tibay ng tali ng zipline, nainitan, nagpaka-sasa sa prutas, nalunod, nagpatugtog ng Lady Gaga sa dagat, nag-cartwheel sa bundok, umakyat ng puno, natakot, nangitim, sumayaw, nagpapicture sa kasal, nag-lagay ng garter, nabusog, nag-lasing uli, at oo nga pala, nagkuwentuhan din kami.
Nagkuwentuhan kami, ng mga kuwentong patanong, ng mga tanong na nagiging kuwento. Tungkol sa buhay, tungkol sa trabaho, tungkol sa isa't-isa, tungkol sa mga tulog, tungkol sa mga naiwan, tungkol sa mang-iiwan, tungkol sa iiwanan. Parang lunchbreak lang uli, naiba lang ng lokasyon, ng oras, ng nakalatag sa hapag-kainan. Pero gayun pa man, hindi pa din nagbago ang usapan: masarap, casual, walang pag-iimbot at hindi nalalayo sa katotohanan--nang madalas.
Marami sa mga bagay na napagusapan sa hapag-kainan na iyon ay hindi ko na gaanong maalala. Ang naalala ko na lamang, ay ang ugong ng electric fan, ang tahimik na tulog ni kuya sa labas, ang bungisngis na pahabol sa bawat shot, ang ngiti ng puyat pero masaya, at ang tinig ng kuwentuhang nagtatapos lamang sa pagod.
Naalala ko din na nangarap akong sana'y hindi na matapos ang masasayang gabi, hapon at umagang iyon. O, kahit magkaroon ng pagkakataon maulit muli lahat ng ito. Sa pagkakaibigan namin, sa tatlong taong nagsama at sa 4 na araw nabuhay sa Davao, parang posible pa rin naman. Lahat naman napag-uusapan. Lahat din natutupad.